LUNGSOD NG SAN FERNANDO, PAMPANGA — Agosto 20, 2026. Nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Gitnang Luzon ng “Refresher on the Enhanced Barangay Information Management System (REBIMS) Version 1.7 for Digital-Ready and Smarter Barangays” noong Agosto 18–19, 2026, sa Heroes Hall, Siyudad ng San Fernando, Pampanga na nilahukan ng 856 at 704 na mga opisyal at kalihim ng barangay mula sa iba’t ibang lalawigan at siyudad sa rehiyon, para sa una at pangalawang batch, ayon sa pagkakasunod, sa pamamagitang ng face to face at birtwal na paglahok sa Zoom at Facebook (FB) live.
Upang masiguro ang maayos at epektibong pagbibigay ng pagsasanay sa mga kalahok, ang naturang pagsasanay ay isinagawa sa dalawang batch na dinaluhan ng lalawigan at siyudad ng Bulacan, Nueva Ecija at Angeles City para sa unang grupo at lalawigan ng Bataan, Pampanga at Tarlac para sa ikalawang grupo. Layunin nitong mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga barangay personnel sa paggamit ng REBIMS Version 1.7 at sa mga pinahusay na functionality nito bilang bahagi ng pagsusulong ng digital transformation sa antas-barangay.
Sa pamamagitan ng REBIMS, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong mas maunawaan ang mga bagong features at enhanced modules ng system, gayundin ang tamang proseso ng encoding, at paggamit ng iba’t ibang modules ng BIMS na kinabibilangan ng Barangay Inhabitants Profile System (BIPS), Katarungang Pambarangay Information System (KPIS), Barangay Disaster Resilience Information System (BDRIS), Barangay Document Management Systems (DMS), Barangay Gender and Development Plan and Budget Monitoring System (GADPBMS), Barangay Development Plan (BDP) Module, Barangay Website Management System module, at Ticketing Management System module.
Sa kaniyang pambungad na mensahe, ipinahayag ni DILG Gitnang Luzon Rehiyong Patnugot Araceli A. San Jose na sa paggamit ng BIMS, mas mabilis nating makukuha ang kinakailangang datos, mas magiging maayos ang ating mga proseso, at mas magiging matibay ang batayan ng ating pagpaplano at pagdedesisyon. Sa kaniyang pagpapatuloy, “When we have better information, we make better decisions. And when we make better decisions, we deliver better services”, aniya. Hinikayat din niya ang commitment ng bawat isa na sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at ang tao na mahalagang instrument din sa matagumpay na paggamit nito upang makamit ang mas mabuting pamamahala at mas mataas na antas ng pamumuhay ng mga mamamayan sa mga barangay.
Binigyang-diin din sa aktibidad ni Atty. Francis James S. Villanueva, pangalawang rehiyong patnugot ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang kahalagahan ng data privacy at cybersecurity partikular ang pamamahala ng digital na impormasyon ng hinggil sa responsableng pangangalaga at seguridad ng mga datos ng mga mamamayan.
Pinaunlakan din ni Mayor Vilma B. Caluag ng Siyudad ng San Fernando, Pampanga ang aktibidad. Sa kaniyang mensahe, sinabi niya ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan sa mahahalagang datos at impormasyon bilang batayan tungo sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Hinimok din niya ang mga kalahok na tiyaking maayos at napapanahon ang pag-encode ng datos sa mga digital systems na ipinapatupad sa mga nasyonal at lokal na pamahalaan upang mas makabuluhan ang pagpaplano at pagdedesisyon ng mga nararapat na programa at serbisyo para sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sa kaniyang pangwakas na mensahe, idiniin ni DILG Gitnang Luzong Pangalawang Rehiyong Patnugot Jay E. Timbreza, ang kahalagahan ng tamang “attitude” sa pagtatrabaho at paggamit ng mga digital systems kalakip ang dedikasyon ng mga opisyales ng barangay upang magkaroon ng mas mabilis na serbisyo sa barangay na alinsunod din sa tamang pagsasakatuparan ng probisyon ng Anti-Red Tape Act (ARTA).
Ang REBIMS ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DILG na suportahan ang mga barangay tungo sa pagiging digital-ready, mas episyente, mas transparent, at mas responsive sa pangangailangan ng kanilang mga mamamayan.
Sa tulong ng aktibidad na ito, layunin ng DILG na mapalakas ang kakayahan ng mga barangay sa makabagong pamamahala, mas mabilis na access sa impormasyon, at mas mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko.